1: KILALANIN

Hakbang 1: KILALANIN

Kilalanin ang Ebanghelyo at ganap na maunawaan ang iyong desisyong sundan si Hesus.

 

Ano ang Ebanghelyo?

Ang “Ebanghelyo” ay ang mabuting balita tungkol kay Hesus – na dahil inalis Niya ang mga kasalanan ng mundo, maaari tayong magkaroon ng ugnayan sa Diyos.

 

Oo. Maaari kang magkaroon ng ugnayan sa Diyos! At anuman ang mga maling nagawa mo, iniimbitahan ka ng Diyos sa Kaniyang pamilya.

 

Narito ang Ebanghelyo, ang kuwento ng kung paano ka iniligtas ng Diyos mula sa iyong kasalanan:

 

Ang Ebanghelyo

Ginawa ng Diyos ang mundo at ang lahat ng naririto. Sa simula, may ugnayan ang mga lalaki at babae sa Diyos, nasa gitna nitong lahat ang pag-ibig, at mabuti ang mga bagay.

 

Gayunman, nagbago ang ugnayang iyon nang magkasala ang mga tao laban sa Diyos. Ang sandaling sinuway ng mga tao ang Diyos, nang nagpasiya ang nilikha na mas marunong ito sa Lumikha, ay ang oras na dumating ang kasalanan at kamatayan sa mundo. Sa sandaling iyon, napalayo ang mga lalaki at babae mula sa Diyos.

 

Ang Epekto ng Kasalanan

Ang sandaling iyon ng pagkawalay sa Diyos ay tinatawag na “ang pagkahulog” at mababasa mo ang higit pa tungkol dito sa Genesis 3 (ang simula ng Bibliya)

 

Pagkatapos ng pagkahulog, sinubok ng mga taong punan ang puwang na naiwan ng Diyos sa kanilang puso sa pamamagitan ng lahat ng uri ng bagay: mga pekeng diyos, tropeo, salapi, pagtatalik, digmaan, at makamundong tagumpay. Walang nakatulong sa mga ito at sa loob ng mga dantaon, nabuhay ang mga lalaki at babae sa kanilang sariling kasalanan nang walang anumang paraan para mailigtas ang kanilang mga sarili.

 

Sa katotohanan, apektado pa rin ng kasalanan ang mundo sa kasalukuyan. Napupuno ang mundo ng kasamaan, sakit, at kamatayan – lahat ay produkto ng kasalanan. At sinusubok pa rin ng mga taong punan ang kanilang puwang na iniwan ng Diyos gamit ang ibang bagay maliban sa Diyos.

 

Iyon ang uri ng mundo kung saan ka isinilang. “Ang mga kasalanan ninyo,” sinulat ng propetang si Isaias, “ang nagdulot ng pagkawalay ninyo sa Diyos. Dahil sa inyong mga kasalanan, napalayo na siya at hindi na makikinig pa” (Isaias 59:2).

 

Sinulat ni Pablo, unang tagapagpunla ng simbahan, “Ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3:23)

 

Hindi Natin Maaayos Ang Ating Mga Sarili

Walang kakayahan ang mga lalaki at babae na ayusin ang kanilang problema ng kasalanan.

 

Alam ng Diyos iyon.

 

Kaya naman, ipinadala Niya si Hesus upang iligtas ang Kaniyang mga mamamayan. Sinulat ni Juan, pinakamalapit na kaibigan ni Hesus, “Ipinadala ng Ama ang kaniyang Anak upang maging tagapagligtas ng mundo.” Nang namatay si Hesus sa krus, Siya

1. Ang umako sa Kaniyang Sarili ng parusang karapat-dapat sa ating lahat para sa ating mga kasalanan
2. Nagpatawad at sinalo ang kasalanan ng lahat – nakaraan, kasalukuyan, hinaharap.
3. Ginawang posible para sa mga lalaki at babae na magkaroon muli ng ugnayan sa Diyos. Bakit? Tuwing minamasdan ng Diyos ang sangkatauhan, nakikita Niya ang mga lalaki at babaeng walang kasalanan – dahil sa ginawa ni Hesus sa krus.

 

Ang mabuting balita ng Ebanghelyo ay ang pagdating ni Hesus sa mundong ito upang talunin ang kasalanan at kamatayan magpakailanman at upang magbigay ng buhay na walang hanggan sa lahat na naniniwala sa Kaniya. Napakagandang balita!

 

Ganito ito sinabi ni Pablo, ang tagapagpunla ng simbahan: “Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon” (Roma 6:23).

 

Ang Libreng Kaloob ng Diyos

Kaya paano natatanggap ng makakasalanang tao ang libreng kaloob ng panghabambuhay na ugnayan sa Diyos? Simple lamang. Sa pamamagitan ng Pananampalataya! Manalig lamang na si Hesus ay ang iyong Tagapagligtas at sabihin ito nang malakas. Sinulat ni Pablo, “Kung ipapahayag ng iyong labi na si Hesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya’y binuhay ng Diyos, maililigtas ka.” (Roma 10:9).

 

Kung nagpapasiya ka ngayon mismong maging isang tagasunod ni Hesus, ipanalangin ang dasal na ito sa Diyos:

 

“Minamahal na Diyos, humihingi ako ng kapatawaran para sa mga maling nagawa ko sa aking buhay. Salamat sa regalo ng iyong anak na si Hesus. Naniniwala akong namatay Siya para sa akin at na Siya’y buhay. Naniniwa akong, dahil sa Kaniya, binibigyan ako ng kapatawaran at pinapalaya mula sa lahat ng aking kasalanan. Handa akong mabuhay para sa iyo. Mangyaring dumating ka sa buhay ko at punuin mo ako ng iyong Banal na Espiritu. Manatili ka sa akin habambuhay. Salamat sa pag-imbita sa akin sa iyong pamilya! Sa ngalan ni Hesus, Amen.

 

Tinanggap Ka

Ngayon, kung naipanalangin mo na ang simpleng dasal, binibigyan ka ng kapatawaran at tinatanggap na sa pamilya ng Diyos dahil sa kung anong ginawa ni Hesus para sa iyo. Napanumbalik na ang iyong ugnayan sa Diyos. Isa ka na ngayong bagong nilikha, at hindi ka na nawawalay ng kasalanan mula sa Kaniya.

 

Maaari kang magtiwala sa katotohanang ito sa Bibliya: “Kung nakipag-isa ang sinuman kay Kristo, isa na siyang bagong nilalang: Wala na ang dati, narito na ang bago” (2 Corinto 5:17).

 

Maligayang Pagdating sa Pamilya ng Diyos!

 

Gawin Natin Itong Simple:

 

4 na mahalagang tema mula sa Ebanghelyo

 

Narito ang apat na mahalagang tema mula sa kuwento ng Ebanghelyo upang tulungan kang matandaan ito at kung paano ito makakagawa ng pagbabago sa iyong buhay.

 

1. Pag-ibig

Mahal ka ng Diyos at may plano siya para sa iyo.

 

Sinasabi ng Bibliya, “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa mundo, kaya’t ibinigay Niya ang Kaniyang kaisa-isang Anak, si Hesu Kristo, upang ang sinumang sumasampalataya sa Kaniya ay hindi mamatay, ngunit magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16). Sinabi ni Hesus, “Naparito ako upang magkaroon sila ng buhay at maging masagana ito” — isang ganap na buhay na puno ng layunin (John 10:10).

 

2. Nawalay

Makasalanan tayo at nawalay sa Diyos.

 

Lahat tayo ay nakagawa, nakapag-isip o nakapagsabi ng masasamang bagay, na tinatawag ng Bibliya na “kasalanan.” Sinasabi ng Bibliya, “Ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3:23). Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, espirituwal na pagkawalay sa Diyos (Roma 6:23).

 

3. Hesus

Ipinadala ng Diyos si Hesus upang mamatay para sa iyong mga kasalanan.

 

Ito ang mabuting balita: Namatay si Hesus sa ating lugar upang maaari tayong magkaroon ng ugnayan sa Diyos at makasama Siya nang walang-hanggan. “Ipinapakita ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig sa atin, na kahit tayo’y makasalanan ay namatay si Kristo para sa atin” (Roma 5:8).

 

Ngunit hindi ito nagtapos sa Kaniyang pagkamatay sa krus. Bumangon Siyang muli at patuloy na nabuhay!

 

“Namatay si Hesu Kristo para sa ating mga kasalanan … Inilibing siya … Muli siyang nabuhay sa ikatlong araw, ayon sa Kasulatan” (1 Corinto 15:3-4).

 

Si Hesus ang tanging paraan tungo sa Diyos.

 

Sinabi ni Hesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay; walang makakarating sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6).

 

4. Manalangin

Manalangin upang matanggap ang kapatawaran ng Diyos.

 

Ang pagdarasal ay pakikipag-usap lamang sa Diyos. Kilala ka niya. Ang mahalaga ay ang saloobin ng iyong puso at iyong katapatan. Manalangin ng isang dasal tulad nito upang tanggapin si Hesus bilang iyong Tagapagligtas:

 

“Hesu Kristo, humihingi ako ng kapatawaran para sa mga maling nagawa ko sa aking buhay. Salamat sa iyong pagkamatay sa Krus para sa akin, palayain mo ako mula sa lahat ng aking kasalanan at patawarin mo ako ngayon. Mangyaring dumating ka sa buhay ko at punuin mo ako ng iyong Banal na Espiritu. Manatili ka sa akin habambuhay. Salamat, Hesus!”

 

Ano’ng susunod? Magsimula ng isang Bible Group

Mag-organisa ng isang Bible Group kasama ang iyong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkikita linggo-linggo at pagbabasa ng mga bersikulong ito nang sama-sama. Patuloy kang hihikayatin nitong lumago sa iyong bagong pananampalataya. Makakatulong sa iyo ang pag-aaral ng mga bersikulong ito ng Bibliya upang ganap na magtiwala sa Diyos at magkaroon ng mas malalim na ugnayan sa Kaniya.

 

• Juan 14:6
• Efeso 2:8-9
• Roma 10:9
• Gawa 2:21
• 2 Pedro 3:9

2: BASAHIN

Hakbang 2: BASAHIN

Basahin ang Bibliya upang makilala kung sino ang Diyos at kung paano Siya nag-iisip

 

Maaari Mong Makilala ang Diyos

Isa sa mga unang tinatanong ng bagong tagasunod ni Hesus ay, “Paano ko malalaman kung ano ang inaasahan ng Diyos mula sa akin?” Ang sagot ay simple: basahin ang Bibliya.

 

Ang Bibliya ay ang inspiradong salita ng Diyos na nagsasalaysay ng walang-hanggang kuwento ng Diyos na patuloy na lumalapit sa mga taong minamahal Niya. Sinulat ito sa loob ng daan-daang taon, at kinukuwento nito ang kasaysayan at mga plano sa hinaharap para sa Kaniyang mamamayan. Ang paggugol ng oras sa pagbabasa ng Kaniyang mga salita ay nagtuturo sa atin ng dalawang bagay:
1. Sino ang Diyos
2. Ano ang gusto Niya mula sa atin

 

Dahil doon, binabago tayo ng Bibliya, hinuhubog ang ating mga puso at buhay, at higit tayong pinapalapit sa Diyos.

 

Ano ang Sinasabi ng Diyos tungkol sa Bibliya

Sa Bibliya, may sinasabing 3 mahalagang bagay ang Diyos tungkol sa Kaniyang mga salita. Ito ay ang mga bersikulo, tungkol sa kapangyarihan ng Bibliya, na dapat tandaan sa paglago mo sa iyong bagong pananampalataya kay Hesus.

 

1. Ang Bibliya ay ang totoong salita ng Diyos – “Lahat ng Kasulatan ay inspirado ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, pagtatama, pagtutuwid at pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay maging handa para sa bawat mabuting gawa” (2 Timoteo 3:16). Ang Bibliya ay hindi lamang puno ng mga salitang dapat basahin kapag kasama ang ibang mga Kristiyano. Napupuno ito ng katotohanang magagamit para sa iyong pang-araw-araw na buhay – katotohanang naghahanda sa iyo para sa bawat mabuting gawa.

 

2. Ang Salita ng Diyos ay buhay at aktibo dahil inspirado ito ng isang buhay at aktibong Diyos – “Sapagkat ang salita ng Diyos ay buhay at aktibo, mas matalas kaysa sa anumang espadang may talim sa magkabilang panig, na tumatagos sa dugtungan ng kaluluwa at ng espiritu, ng mga kasukasuan at ng kaloob-looban ng buto, at pinagninilayan ang mga iniisip at nilalayon ng puso” (Hebreo 4:12). May kapangyarihan ang Diyos, sa pamamagitan ng mga salita ng Bibliya, na baguhin ka tungo sa taong gusto ng Diyos na maging ikaw.

 

3. Kung higit na nakikintal natin sa ating puso ang salita ng Diyos, mas napapalapit tayo ng Diyos sa Kaniya. “Iniingatan ko ang iyong salita sa aking puso upang hindi ako magkasala laban sa iyo” (Awit 119:11). Lahat ng uri ng masasamang impluwensiya ay nasa mundong ito na nag-uudyok sa ating mamuhay sa paraang hindi dapat. Maaari nating malabanan ang mga tuksong iyon kung alam natin ang mga salita ng Diyos at kung ano ang inaasahan Niya mula sa atin.

 

At Ngayon?

Ang lahat ng Kristiyano, lalo na ang mga bago pa lamang, ay dapat magbasa at mag-aral ng Bibliya araw-araw.

 

Magandang panimula ang aklat ni Juan. Makakatulong ang pagbabasa ng aklat ni Juan na maunawaan mo ang kuwento ni Hesus at kung paano ito nakakaapekto sa iyong buhay.

 

Ang Bibliya ay maaaring nakakalito sa umpisa. Ayos lamang iyon. Huwag panghinaan ng loob! Patuloy na basahin ang salita ng Diyos at, kung may hindi malinaw, magdasal at humingi sa Diyos ng kalinawan.

 

Ang isang makakatulong na kasangkapan para sa higit na pag-unawa sa mga seksiyon ng Bibliya ay ang pagsulat ng mga sagot sa tatlong tanong na ito:
• Ano ang sinasabi ng bersikulo tungkol sa Diyos?
• Ano ang sinasabi ng bersikulo tungkol sa sangkatauhan?
• Paano ko susundin ang nabasa ko?

 

Tandaang ang punto ng pagbabasa ng Bibliya ay ang magkaroon ng mas mabuting ugnayan sa Diyos at mabuhay sa paraang gusto ng Diyos para sa iyo. Gawing regular na bahagi ng iyong pang-araw-araw na buhay ang pagbabasa ng Bibliya at saksihan ang mga kamang-manghang bagay na gagawin ng Diyos bilang bunga ng iyong pagtataya.

 

Magsimula ng isang Bible Group.

Mag-organisa ng isang Bible Group kasama ang iyong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkikita linggo-linggo at pagbabasa ng mga bersikulong ito nang sama-sama. Patuloy kang hihikayatin nitong lumago sa iyong bagong pananampalataya. Makakatulong sa iyo ang pag-aaral ng mga bersikulong ito ng Bibliya upang ganap na magtiwala sa Diyos at magkaroon ng mas malalim na ugnayan sa Kaniya.

 

• 2 Timoteo 3:16-17
• Hebreo 4:12
• Santiago 1:22
• Awit 18:30

3: MANALANGIN

Hakbang 3: MANALANGIN

Manalangin sa Diyos. Makipag-usap sa Kaniya.

 

Mayroon tayong direktang linya ng komunikasyon sa Lumikha ng kalawakan. Kaya mo bang paniwalaan iyon?! Napakagandang isipin na gusto ng perpektong Diyos na makinig mula sa mga hindi perpektong taong tulad natin.

 

Huwag Gawing Kumplikado Ito

Kung tulad ka ng karamihan ng tao, maaaring gawin mong lubhang kumplikado ang iyong ugnayan sa Diyos. Ngunit hindi kailangang maging ganoon. Katulad ng relasyon mo sa iyong pinakamatalik na kaibigan ang iyong ugnayan sa Diyos – may malasakit kayo sa isa’t isa, naglalaan ng oras na magkasama, at pinapahalagahan kung ano ang sinasabi ng ibang tao.

 

Ang panalangin ay simpleng paglalaan ng oras at pakikipag-usap sa Diyos. Isa itong tapat na pakikipag-usap sa Kaniya kung saan kinikilala mo ang Kaniyang mga paraan ay higit sa kaya mong maunawaan. Sa huli, makakatulong ang panalangin na matutuhan mo kung paano magtiwala sa Diyos sa lahat ng bagay sa iyong buhay.

 

Magsimulang Manalangin

Maaaring nakakatakot ang buong ideya. Kung oo, hindi ka nag-iisa. Kinailangang matutuhan ng mga tao kung paano magdasal sa loob ng mga dantaon. Ang pinakamabuting paraan upang malaman kung paano makipag-usap sa Diyos ay simulang gawin ito! Humanap ng oras bawat araw kung kailan maaari kang maupo nang tahimik at magsimulang magsalita – tulad lamang ng pakikipag-usap mo sa iyong pinakamatalik na kaibigan.

 

Sa Bibliya, nagsasabi ang Diyos sa atin ng dalawang mahalagang bagay tungkol sa panalangin.

 

1. Hinihingi niya sa ating makipag-usap at ipaalam sa Kaniya ang ating mga kahilingan. Sa Kaniyang salita, sinasabi Niya sa atin, “Huwag mabahala o mag-alala. Sa halip na mag-alala, magdasal. Hayaang hubugin ng mga petisyon at papuri ang iyong mga alalahanin tungo sa mga panalangin, na ipinapaalam sa Diyos ang iyong mga inaalala. Bago mo pa malaman, darating at papanatagin ka ng diwa ng pagiging ganap ng Diyos, at lahat ay nagsasama-sama para sa kabutihan. Nakamamangha ang nangyayari tuwing pinapalitan ni Kristo ang pag-aalala sa gitna ng iyong buhay.” (Filipos 4:6-7). Kapag mas nananalangin tayo, mas nagtitiwala tayo sa Diyos. At kapag mas nagtitiwala tayo sa Diyos, mas hindi tayo nababahala tungkol sa buhay.

 

2. Ipinapaalala Niya sa atin na makapangyarihan ang mga panalangin. “Makapangyarihan at mabisa ang panalangin ng isang matuwid na tao” (Santiago 5:16). Nangangahulugan ang paglago sa ating ugnayan sa Diyos na nagbabago tayo tungo sa mga taong gusto Niyang maging tayo. At kung mas lumalago tayo bilang isang Kristiyano, nagiging mas makapangyarihan ang ating mga panalangin.

 

A.C.T.S.

Ang totoo, hindi kailangan ng Diyos na manalangin tayo gamit ang isang partikular na pamamaraan. Ngunit mayroong modelo – isang paraan ng pag-oorganisa ng iyong mga panalangin – na nakatulong sa maraming tao sa paglipas ng mga taon. Batay ito sa isang akronima, ang “A.C.T.S.” na nangangahulugang: Adoration (Pagsamba), Confession (Pangungumpisal), Thanksgiving (Pasasalamat), at Supplication (Pagsamo).

 

• Ang “adoration” o pagsamba ay ang pagpapahayag ng iyong pag-ibig sa Diyos.
• Ang “confession” o pangungumpisal ay ang pag-amin sa iyong mga kasalanan at paghingi sa Diyos ng kapatawaran.
• Ang “thanksgiving” o pasasalamat ay ang pagpapahayag ng iyong pagkilala ng utang na loob sa Diyos para sa Kaniyang grasya at kapatawaran sa ating buhay at pagsasabi ng “salamat” para sa lahat ng Kaniyang ginawa.
• Ang “supplication” o pagsamo ay ang paghingi ng tulong sa Diyos sa iyong buhay at buhay ng ibang tao.

 

Humanap ng oras araw-araw upang manalangin at makipag-usap sa Diyos.

 

Magsimula ng isang Bible Group.

Mag-organisa ng isang Bible Group kasama ang iyong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkikita linggo-linggo at pagbabasa ng mga bersikulong ito nang sama-sama. Patuloy kang hihikayatin nitong lumago sa iyong bagong pananampalataya. Makakatulong sa iyo ang pag-aaral ng mga bersikulong ito ng Bibliya upang ganap na magtiwala sa Diyos at magkaroon ng mas malalim na ugnayan sa Kaniya.

 

• Filipos 4:6-7
• 1 Juan 5:14
• Jeremias 29:12
• 1 Tesalonica 5:16-18
• Colosas 4:2

4: MAKINIG

Hakbang 4: MAKINIG

Makinig sa boses ng Diyos.

 

Bawat lalaki at babae na nakapanalangin ay nananabik sa malinaw na sagot mula sa Diyos, isang partikular na sagot sa isang partikular na hiling.

 

Sa huli, ipinangako ng Diyos na kung lalapit tayo sa Kaniya, lalapit Siya sa atin (Santiago 4:8). Kaya naman makatwirang isiping gusto Niyang hindi lamang mapakinggan ka, ngunit makipag-usap din. Ang susi upang malaman kung ano ang gustong sabihin ng Diyos sa iyo ay lahat ng may kinalaman sa IYO!

 

Walang Maaaring Gumambala

Ang susi sa pagtuklas at pag-unawa sa mga sagot ng Diyos sa iyong mga panalangin ay ang paglalaan ng oras na huminto at makinig. Maging tapat tayo, lubos kang nalulunod sa ingay at mga boses na nagmumula sa lahat ng direksiyon at maaaring mahirap na magtuon sa iisang gawain. Kung mahirap gumawa ng isang gawain, isipin na lamang kung gaano kahirap na mapakinggan ang Diyos sa gitna ng lahat ng gumagambala!

 

Nangangahulugan ang lahat ng ito na upang mapakinggan ang Diyos, upang marinig kung ano ang Kaniyang sinasabi, humanap ng isang tahimik na lugar kung saan maaaring mapanatag mo ang iyong puso at isip. Nangangahulugan ito ng pagsara sa lahat ng iyong mga iPhone, tablet, computer, at apple watch na nakikipagtalo para sa iyong atensiyon.

 

Ito ang tinuturo ng Bibliya sa atin na dapat gawin sa aklat ni Mateo:
“Narito ang gusto kong gawin mo: Humanap ng tahimik at nakahiwalay na lugar upang hindi ka matuksong hindi magpakatotoo sa harap ng Diyos. Maparoon nang simple at tapat hangga’t makakaya. Lilipat ang tuon mula sa iyo tungo sa Diyos, at magsisimulang maramdaman mo ang kaniyang grasya.”

 

Kung magtutuon ka lamang sa pakikipag-ugnayan sa Diyos at pakikinig sa kung ano ang gusto Niyang ibahagi sa iyo, makakatanggap ka ng direksiyon, pag-asa, at mga kasagutan sa iyong mga panalangin.

 

3 Paraan Kung Paano Nakikipag-usap ang Diyos

Mayroong hindi bababa sa tatlong paraan kung paano nakikipag-usap ang Diyos. Siyempre, marami pa. Ang Diyos ay Diyos at kaya niyang makipag-usap sa iyo sa anumang paraang gustuhin Niya. Ngunit, ito ang mga karaniwang paraan kung paano mo Siya maririnig.

 

1. Nakikipag-usap ang Diyos sa pamamagitan ng Bibliya – ang Kaniyang mga inspiradong salita. Tinatawag itong “Ang Buhay na Salita” dahil inspirado ito ng isang buhay na Diyos, kung kanino nagmumula ang mga salitang nagbabago sa ating mga buhay sa bawat oras na binabasa natin ang mga ito. Tuwing binabasa natin ang Bibliya, tumutulong ang Banal na Espiritu ng Diyos sa ating marinig ang Kaniyang boses sa isang paraang partikular sa ating mga kasalukuyang sitwasyon.

 

2. Nakikipag-usap sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng isang “panatag at munting tinig.” (1 Hari 19:12) Hindi hihiyaw, sisigaw, at mag-uutos ang Diyos na magbigay ka ng atensiyon. Sa halip na maging awtoritaryan tulad niyon, gusto Niyang makatagpo natin Siya sa gitna. Ang totoo, lagi Siyang nakikipag-usap sa atin, at ginagawa Niya ito sa lakas na nangangailangan ng ating atensiyon. Nakikipag-usap siya nang paloob kaya, upang marinig Siya, kailangan mong magtuon at makinig nang mabuti.

 

3. Nakikipag-usap sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng isang “panloob na saksi.” Kapag naging isa kang tagasunod ni Hesus, binibigyan ka ng Diyos ng kaloob ng Kaniyang Banal na Espiritu. Hinahatulan tayo ng Banal na Espiritu tuwing gumagawa tayo ng masasamang desisyon, ginagabayan tayo tuwing kailangan natin ng direksiyon, at pinapagaan ang ating loob tuwing tayo’y nasasaktan. Kumikilos rin ang Banal na Espiritu bilang isang tagapamagitan sa iyo at ang Diyos Minsan, nakikipag-usap sa iyo ang Diyos mula sa Kaniyang espiritu at nakikipag-usap naman ang iyong espiritu sa iyong puso at isip. Hindi nakikipag-usap ang Diyos sa atin sa paraan kung paano tayo nakikipag-usap sa isa’t isa. Nakikipag-usap Siya mula sa Kaniyang espiritu tungo sa iyong espiritu, at nakikipag-usap naman ang espiritu mo sa iyong puso at isip.

 

Iyon ay ang tinatawag nating isang “inward witness” o panloob na saksi. Maaaring dumating ito bilang isang kaisipan o isang pag-udyok. Napakabanayad nito. Upang makarating sa punto kung saan nakikipag-usap sa iyo ang Diyos sa paraang ito, kailangan mo, sa muli’t muli, na makipagtagpo sa Kaniya sa isang tahimik na lugar nang regular.

 

Kung mas marami ang oras na inilalaan mo kasama ang Panginoon, at mas nasasanay kang makinig nang mabuti sa Kaniyang boses, ang Kaniyang boses ay mas nagiging isang boses na “umuugong sa kamangha-manghang paraan” (Job 37:5).

 

Sinasabi ng ibang tao, “Ngunit hindi naman nakikipag-usap sa akin ang Diyos. Hindi ko pa Siya narinig!” Ngunit heto ang isang mahalagang katotohanan: kahit hindi mo nararamdamang nakikipag-usap sa iyo ang Diyos, ginagawa Niya ito. Sa katunayan, marahil ay sinusubok Niyang kunin ang iyong atensiyon ngayon mismo.

 

Kung hindi mo inaasahang makakarinig ka mula sa Kaniya, baka hindi mo pa nabubuksan ang receiver!

 

Magsimula ng isang Bible Group.

Mag-organisa ng isang Bible Group kasama ang iyong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkikita linggo-linggo at pagbabasa ng mga bersikulong ito nang sama-sama. Patuloy kang hihikayatin nitong lumago sa iyong bagong pananampalataya. Makakatulong sa iyo ang pag-aaral ng mga bersikulong ito ng Bibliya upang ganap na magtiwala sa Diyos at magkaroon ng mas malalim na ugnayan sa Kaniya.

 

• Jeremias 33:3
• Filipos 4:9
• Awit 34:4
• Awit 85:8
• Kawikaan 1:33

5: MAKIPAG-UGNAYAN

Hakbang 5: MAKIPAG-UGNAYAN

Makipag-ugnayan sa ibang nasa Kristiyanong komunidad

 

Hindi lamang mahalaga ang pagiging bahagi ng isang komunidad ng pananampalataya. Bahagi ito ng iyong layunin!

 

Hindi ka idinisenyo ng Diyos na mamuhay nang mag-isa. Sa katunayan, ang tanging oras na inilarawan ng Diyos na “hindi mabuti” ang Kaniyang nilikha ay noong mag-isa ang lalaki. Kaya naman binigyan Niya ito ng isang kapareha, ang babae, upang makasama sa buhay.

 

Ang totoo ay mas malakas tayo kung kasama natin ang ibang mga tagasunod ni Hesus sa ating Kristiyanong pamumuhay – tinatawag natin itong komunidad ng mga Kristiyano na “Simbahan” o “Iglesya.” Kailangan mo ng iba pang mga tagasunod ni Hesus sa iyong paligid upang hikayatin ka at turuan ka ng mga bagong katotohanan tungkol sa Diyos. Kailangan mo ng mga tagasunod ni Hesus upang makasama sa pagsamba at sa pananalangin nang lumago nang mas malakas ang iyong pananampalataya.

 

Ang iyong desisyong sundan si Hesus ay ang pinakamahalagang desisyong gagawin mo. Patuloy na palaguin ang iyong ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng paghahanap ng mga Kristiyanong kaibigang maaaring sumuporta sa iyo.

 

Isipin ang tungkol sa mga Kristiyanong kilala mo. Ibahagi ang ideyang ito sa kanila at imbitahin silang makipag-usap pa sa iyo tungkol sa kanilang paglalakbay sa pananampalataya.

 

Ang Simbahan

Ang salitang Griyego para sa “church” o simbahan, na ginagamit sa Bibliya, ay literal na nangangahulugang “pagtitipon” or “asamblea.” Ang diwa ng salita ay magtitipon ang mga tagasunod ni Hesus upang manirahan sa komunidad kasama ang isa’t isa. Nangangahulugan itong pinag-iisa ang mga tao sa simbahan ni Hesus, pinag-aaralan nila ang salita ng Diyos nang magkakasama, minamahal ang isa’t isa, hinihikayat ang isa’t isa tuwing dumaraan sila sa mga panahon ng kagipitan, tinutulugan ang isa’t isa upang maging higit na kawangis ni Hesus, at namumuhay sa isang Kristiyanong pamilya.

 

Ngayong isa ka nang Kristiyano, mahalagang mahanap mo ang iyong simbahan; ang komunidad mo ng mga tagasunod ni Hesus.

 

Ang Katawan ni Kristo

Sinabi ni Hesus , “Itatayo ko ang aking iglesya” (Mateo 16:18). Sinulat ni Pablo, ang unang tagapagpunla ng simbahan, sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Efeso, “Ang lalaki ay ang ulo ng asawang babae tulad ni Kristo na ulo ng simbahan, na kaniyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito” (Efeso 5:23) Sa ibang salita, nabibilang kay Hesus ang simbahan.

 

Dahil doon, ang simbahan ay inilalarawan bilang “ang katawan ni Kristo.” Siya ang ulo at bilang talinghaga, ang kaniyang mamamayan ang Kaniyang katawan. Nangangahulugan ito na ang bawat isang tagasunod ni Hesus sa mundo ay bahagi ng katawan, na may ginagampanang layuning natatangi at higit kaysa sa mga taong nasa labas ng katawan. Tinatawag ang katawan upang mangalaga sa mga mamamayan nito at kilalaning kung dumaranas ang isang tao, lahat ay nasasaktan.

 

Maglingkod

Bilang mga miyembro ng “katawan ni Kristo,” dapat nating isipin ang tungkol sa kung paano natin ginagamit ang ating oras, mga talento at makakaya upang paglingkuran ang Diyos. Mayroon kang papel sa Simbahan, sa pamilya ng Diyos, at mahalagang maglaan ka ng oras sa pag-iisip tungkol sa iyong layunin.

 

Isa sa mga dahilan kung bakit kailangan nating maging isang bahagi ng isang komunidad ng mga Kristiyano ay dahil, tuwing nagtatagpo tayo nang magkakasama, nahahanap natin ang ating tawag, layunin, at plano ng Diyos para sa ating mga buhay.

 

Mga Paniniwala

Maaaring naiisip mo, “Anong uri ng simbahan ang hinahanap ko?” Matitiyak na kung hindi marami ang mga simbahan kung nasaan ka, maaaring kailangan mong magtatag ng isang komunidad sa iyong tahanan. Ngunit kung mayroon kang pagkakataong makahanap ng simbahan, narito ang isang listahan ng mga tradisyonal at kinaugalian sa Biblia na paniniwala na dapat mong hanapin. Kung palagay ang loob ng komunidad ng mga tagasunod ni Hesus sa mga ito, maaaring palagay rin ang loob mo sa simbahan:

 

• Isang paniniwala sa iisang Diyos, na umiiral sa tatlong Persona — ang Ama, Anak at Banal na Espiritu. Siya ay mapagmahal, banal at makatarungan.
• Paniniwalang Salita ng Diyos ang Bibliya. Inspirado at tumpak ito. Ito ang ating perpektong gabay sa lahat ng bagay sa buhay.
• Paniniwalang nagwalay ang kasalanan sa ating lahat mula sa Diyos, at tanging sa pamamagitan ni Hesu Kristo lamang tayo makakabalik sa Diyos.
• Paniniwalang parehong Diyos at Tao si Hesu Kristo. Lalang Siya ng Banal na Espiritu at isinilang ng birheng Maria. Namuhay Siya nang walang sala, inako sa Kaniyang Sarili ang lahat ng ating mga kasalanan, namatay at muling nabuhay. Sa kasalukuyan, nakaupo Siya sa kanang kamay ng Ama bilang Punong Alagad at Tagapamagitan.
• Paniniwalang ang kaligtasan ay kaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Ang kaloob na ito ay dinudulot ng grasya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo at nagbubunga ito ng mga gawang kaaya-aya sa Diyos.
• Paniniwalang ang pagpapabautismo sa tubig ay isang panlabas na kilos na nagpapakita ng pagkilala ng isang naniniwala sa pagkamatay, paglibing at muling pagkabuhay ni Hesus.
• Paniniwalang ang Banal na Espiritu ay ang ating Tagapagpanatag. Ginagabayan Niya tayo sa lahat ng aspekto ng ating mga buhay. Binibiyayaan Niya rin tayo ng mga espirituwal na kaloob at pinapalakas ang ating loob upang mag-ani ng mga bunga ng Espiritu.
• Paniniwalang ang Banal na Komunyon ay isang pagdiriwang ng kamatayan ni Hesus at ang ating pag-alala sa Kaniya.
• Paniniwalang gusto ng Diyos na baguhin, pagalingin at payabungin tayo, nang sa gayon ay maaari tayong mabuhay nang may biyaya at matagumpay na makakaapekto at makakatulong sa iba.
• Paniniwalang tinatawag tayo upang ituro ang ebanghelyo sa lahat ng mga bansa. Naniniwala tayong babalik muli si Hesu Kristo tulad ng Kaniyang ipinangako.

 

Sa huli, humanap ng isang lugar kung saan maaaring maging bahagi ka ng isang komunidad na tutulong na lumago ka nang mas malapit sa Diyos at sambahin Siya nang mabuti. Hindi dahil inililigtas ka ng simbahan. Tanging si Hesus ang gumagawa niyon. Ngunit dahil kung lalago ka nang mas malapit sa Diyos, mas gugustuhin mong sambahin Siya, matutuhan ang Kaniyang salita at buoin ang komunidad kasama ang ibang mga tagasunod ni Hesus.

 

Magsimula ng isang Bible Group.

Mag-organisa ng isang Bible Group kasama ang iyong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkikita linggo-linggo at pagbabasa ng mga bersikulong ito nang sama-sama. Patuloy kang hihikayatin nitong lumago sa iyong bagong pananampalataya. Makakatulong sa iyo ang pag-aaral ng mga bersikulong ito ng Bibliya upang ganap na magtiwala sa Diyos at magkaroon ng mas malalim na ugnayan sa Kaniya.

 

• Gawa 2:42-44
• 1 Corinto 12:21-31
• Efeso 4:15-16
• 1 Pedro 4:10
• Hebreo 10:24

6: SAMBAHIN

Hakbang 6: SAMBAHIN

Sambahin ang Diyos sa lahat ng iyong ginagawa.

 

Nilikha ka upang magkaroon ng ugnayan sa Diyos. Hindi lamang iyon – nilikha ka upang sambahin Siya!

 

Dahil nangangahulugan ang ating buong buhay bilang isang kilos ng pagsamba sa Diyos, may layunin ang lahat ng ating sinasabi o ginagawa.

 

Magkatulad ang matutuhang sundan si Hesus sa matutuhang sambahin ang Diyos ng iyong buhay.

 

Ano ang pagsamba?

Ang pagsamba ay pagsunod – pamumuhay sa paraang gusto ng Diyos para sa atin. Ito ang ating tugon sa kabutihan at kabanalan ng Diyos. (Awit 29:2) Sa ibang salita, dahil sa kung sino ang Diyos, kagustuhan nating mabuhay nang mabuti.

 

Ang pagsamba ay isa ring mentalidad – pagkamangha sa kabanalan, kapangyarihan, at kabutihan ng Diyos. Ginawa ng Diyos ang kalangitan at daigdig, di-mabilang na kalawakan at maririkit na bituin sa himpapawid. Tinatahi Niya ang lahat ng bagay at may tiyaga siya sa atin tuwing tayo’y nagkakamali. Lubos Niya tayong minamahal kaya ipinadala Niya ang kaniyang nag-iisang anak upang mamatay sa ating lugar nang sa gayon ay tuluyan nang mawala habambuhay ang lahat ng ating mga kasalanan at kasiraan.

 

Sino’ng hindi mamamangha sa sinumang tulad niyon?!

 

Kaya naman ang pagsamba ay parehong isang mentalidad at isang paraan ng buhay. Ito ay isang pagkilala sa kabanalan ng Diyos at isang pagtatayang mabuhay sa paraang gusto ng Diyos.

 

Mga uri ng pagsamba

Upang tulungan kang magkaroon ng pag-unawa ng kung ano ang maaaring maging mukha nito sa iyong pang-araw-araw na buhay, narito ang tatlong praktikal na halimbawa ng pagsamba:

 

1. Awit. Isa sa mga pinakakaraniwang paraan na sinasamba natin ang Diyos ay sa pamamagitan ng pag-awit sa Kaniya. Sa Colosas 3:16, itinuturo sa atin ni Pablo, ang unang tagapagpunla ng simbahan, na umawit ng mga “salmo, himno, at espirituwal na awitin” sa Diyos. Pinapaalala sa atin ng may-akda ng Awit 100:2 na “lumapit sa Kaniyang presensiya sa pag-awit.” Sa buong kasaysayan ng tao, ginagamit ang musika bilang pagpapahayag ng pagsamba.

 

2. Hindi paggaya. Sinulat ni Pablo sa kaniyang liham sa mga unang Kristiyano sa Roma, “Hinihimok ko kayo, mga kapatid… na ialay ang inyong mga katawan bilang buhay na sakripisyo, na banal at kaaya-aya sa Diyos—ito ang totoo at wastong pagsamba. Huwag kayong gumaya sa huwaran ng mundong ito, ngunit magbagong-anyo sa pamamagitan ng pagpapanibago ng iyong isip. Sa gayon ay magagawa mong masubok at masang-ayunan ang kalooban ng Diyos—ang kaniyang mabuti, kaaya-aya at perpektong kalooban.”

 

Sa pamamagitan ng pagpaunlak sa Diyos na baguhin ka sa halip na ang mundo; sa pamamagitan ng hindi paggaya sa mga inaasahan ng mundo, sinasamba mo ang Diyos.

 

3. Kilos. Ang pagsunod ay hindi talaga pagsunod kung hindi ito isinasabuhay.

 

• Kapag pinapatawad natin ang iba tulad ng pagpapatawad ng Diyos sa atin, at namumuhay tayo sa paraang kaaya-aya sa Diyos, iyon ay pagsamba!
• Kapag naglalaan tayo ng oras na sabihin sa Diyos na “salamat,” iyon ay pagsamba!
• Kapag minamahal natin ang ating asawa at mga anak tulad ng pagmamahal ni Hesus sa simbahan, iyon ay pagsamba.
• Kapag nagbibigay tayo ng ating makakaya sa simbahan, iyon ay pagsamba.
• Kapag nagpapakita tayo ng grasya sa sinuman dahil nagpakita ang Diyos ng grasya sa atin, iyon ay pagsamba.

 

Ang pagsamba ay paraan ng ating pamumuhay!

 

Dalhin Ang Iba sa Bukas na Pinto

Isipin ang pagsamba tulad nito: Kapag pinagbubuksan ka ng pinto habang naglalakad ka papasok sa isang gusali; o kapag may taong nagbabayad para sa iyong pagkain sa isang restawran, lubos ang iyong pasasalamat kaya gusto mo ring gawin ang parehong bagay para sa iba. Iyon ay kung ano ang pagsamba. Ipinadala ng Diyos ang Kaniyang anak para sa iyong misyong iligtas ang mundo kahit na hindi tayo karapat-dapat para dito. Ang pagsamba ay ang paggawa ng parehong bagay para sa mga taong inilalagay ng Diyos sa ating mga buhay.

 

Binuksan ng Diyos ang pinto para makipag-ugnayan sa Kaniya. Nasa sa atin kung mamumuhay tayo sa paraang gugustuhin din ng ibang tao na maglakad papasok sa pinto. At kapag nangyari iyon, ang ating buhay ay isang buhay ng pagsamba!

 

Magsimula ng isang Bible Group.

Mag-organisa ng isang Bible Group kasama ang iyong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkikita linggo-linggo at pagbabasa ng mga bersikulong ito nang sama-sama. Patuloy kang hihikayatin nitong lumago sa iyong bagong pananampalataya. Makakatulong sa iyo ang pag-aaral ng mga bersikulong ito ng Bibliya upang ganap na magtiwala sa Diyos at magkaroon ng mas malalim na ugnayan sa Kaniya.

 

• Awit 29:2
• Roma 12:1
• Hebreo 10:25
• 1 Pedro 2:5-6
• Isaias 12:5
• Roma 12:4-8

7: IBAHAGI

Hakbang 7: IBAHAGI

Ibahagi ang mabuting balita ni Hesus sa ibang tao.

 

Isa sa mga unang hakbang na dapat nating lahat gawin bilang mga tagasunod ni Hesus ay ang magpabautismo. Ito ay kung paano tayo:
1. sumusunod sa halimbawa ng pagpapabautismo ni Hesus
2. paano natin ipinoproklama sa publiko na tayo ay mga tagasunod Niya
3. Paano natin ibinabahagi sa iba na naniniwala tayo sa pagkamatay, paglibing, at muling pagkabuhay ni Hesus at na gusto nating mabuhay para sa Kaniya.

 

Hindi tayo inililigtas ng bautismo. Tanging si Hesus, at hindi ang ating mga aksiyon, ang makakagawa niyon. Ang pagpapabautismo ay isang mahalagang simbolo ng kung anong nangyari sa ating mga buhay at puso bilang isang taong nagtiwala kay Hesus.

 

Kapag tayo ay binautismuhan, nagsisimula tayo ng isang buhay ng pagbabahagi ng mabuting balita sa lahat ng taong inilalagay ng Diyos sa ating landas.

 

Tinawag upang Magbahagi

Tinatawag ni Hesus ang kaniyang mga tagasunod upang ibahagi ang Ebanghelyo at tulungan ang ibang taong tumugon sa imbitasyon ng Diyos na mapabilang sa Kaniyang pamilya.

 

Bago niya lisanin ang mundong ito, iniatas Niya sa Kaniyang mga tagasunod na, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang ebanghelyo sa bawat nilalang. Ang sinumang naniniwala at mababautismuhan ay maililigtas, ngunit ang sinumang hindi sasampalataya ay parurusahan” (Marcos 16:15-16).

 

Ang maaring unang maisasaisip mo ay, “Hindi ko magagawang ibahagi ang Ebanghelyo sa iba! Sinisimulan ko pa nga lamang unawain ito sa aking sarili!!” Kung iniisip mo iyon, hindi ka nag-iisa. Nakakatakot na isiping nakikipag-usap tungkol sa pananampalatayang Kristiyano sa ibang tao.

 

Mga Batayang Prinsipyo sa Pagbabahagi ng Iyong Pananampalataya

Maaaring nakakatakot man ito, ngunit maaari kang magtiwalang kasama mo ang Diyos upang magbigay ng lakas at ang mga tamang salitang dapat sabihin. Kaya, dala-dala iyon sa isip, narito ang tatlong batayang prinsipyo sa pagbabahagi ng iyong pananampalataya kay Hesus sa mga taong hindi Siya kilala.

 

1. Higit sa lahat, mamuhay nang tunay na naglilingkod sa Diyos upang mapansin ng mga taong mayroong kakaiba tungkol sa iyo. Mamuhay nang may integridad upang hindi ka makita bilang mapagkunwari. Simulang manalangin para sa mga tao sa paligid mo; magbubukas ang Diyos ng mga pakikipag-usap ukol sa pananampalataya sa kanila.

 

Tandaang hindi hinihingi ng Diyos sa iyong magligtas ng sinuman, sa halip ay ibahagi lamang kung ano ang ginawa Niya sa iyong buhay. Tanging ang Banal na Espiritu ang makakapagbukas ng mga mata at puso ng tao sa katotohanan ng Diyos.

 

2. Huwag matakot. Kasama mo ang Diyos sa bawat hakbang ng daan. Kapag nagkaroon ka ng pagkakataong makipagpag-usap tungkol sa iyong pananampalataya, huwag matakot. Hindi mo kinakailangang malaman ang bawat posibleng sagot dahil ang Diyos ang bahala roon para sa iyo.

 

Ang bagay lamang na kailangan mong ibahagi ay kung paano binago ng Diyos ang iyong buhay. Magtuon sa pagbabagong nagawa ng pagsunod kay Hesus. Ipaliwanag lamang kung paanong tayong lahat ay makasalanan at nangangailangan ng kapatawaran – ang Diyos na ang gagawa ng iba.

 

3. Ipaalam sa ibang tao na hindi ka naiiba sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang “tayo” at “atin/natin”. Maging tapat at may pagtitiwala at hayaan ang Diyos na magsalita habang ibinubunyag Niya ang Kaniyang Sarili sa iba sa pamamagitan mo.

 

Ang totoo ay wala kang ideya kung gaano katagal nang lumalapit ang Diyos sa ibang tao at sa iyo, kaya huwag panghinaan ng loob kung matagal para “makuha ito” ng isang tao.

 

Magsimula ng isang Bible Group.

Mag-organisa ng isang Bible Group kasama ang iyong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkikita linggo-linggo at pagbabasa ng mga bersikulong ito nang sama-sama. Patuloy kang hihikayatin nitong lumago sa iyong bagong pananampalataya. Makakatulong sa iyo ang pag-aaral ng mga bersikulong ito ng Bibliya upang ganap na magtiwala sa Diyos at magkaroon ng mas malalim na ugnayan sa Kaniya.

 

• Roma 6:3-5
• Lucas 3:21-22
• Mateo 28:19
• Marcos 16:15
• Awit 105:1
• 1 Pedro 3:15
• Gawa 1:8

Kailangan ng tulong?

100% Pribado.

  • This field is for validation purposes and should be left unchanged.

Copyright © 1Bilion.org | Privacy Policy